Monday, 4 September 2017





The Mastermind of the Rebellion in INC. –


Ito po ay punto por puntong sagot sa isang lathalain na tunay namang black propaganda lamang na sinulat ng isang buong karuwagang itinago ang kanyang pagkakakilanlan.  Layunin ng artikulo na lasunin ang isipan ng mga kapatid na hanggang ngayon ay tila baga hindi pinapansin at di natitinag sa mga kaganapan ngayon sa loob ng Iglesia ni Cristo.  Mga kapatid na para bang hindi nagmahal sa mga aral ng Diyos, ng Panginoong Jesus at ng mga Apostol na tinanggap natin bunga ng pagsusugo ng Diyos sa huling araw.  Basurang matuturingan ang nasabing artiulo sapagkat wala ni isa man lang katunayan na ipinakita ang may akda sa mga bintang na ibinato niya sa pamilya ng Ka Erdy bagkus ay pawang mga kasinungalingan lamang ang lahat.  Hindi naman kataka-taka sapagkat tulad ng malaon ko ng tinuran, ang hangin na kanilang hinihinga ay kasinungalingan na para bagang ang kanilang pananatili sa mundo ay walang katuturan kung hindi sila magsisinungaling kaya ganoon ang kanilang ginagawa.
Simulan natin sa pamagat ng artikulo – The Masterminds of the Rebellion in INC (Ang mga utak ng pag-aalsa sa loob ng INC).
Upang mabili ang kanyang basura ng mga walang kamuwang-muwang na mga kapatid, kinailangan ng may akda na lagyan ng panggulat ang pamagat ng artikulo kaya niya ginamit ang “Rebellion”.  Subalit ito ay mula lamang sa kanyang masamang kaisipan para pagibayuhin ang  panlilinlang – isang palabas na kanilang kinatha upang italaga ang kaisipan ng mga kapatid at papaniwalain na may rebelyon nga o pag-aalsang nagaganap sa INC.  Subalit kung pakalilimiin at buong ingat na pag-aaralan ay tiyak na babagsak sapagkat walang matibay na batayan.  Sapagkat kung tatanungin ang lahat ng mga kapatid na itiniwalag ay wala ni isa man magsasabi na sila ay nag-aalsa laban sa Iglesia kundi ang bawa’t isa’y magsasabi na ang kanilang tinututulan ay ang mga katiwaliang nagaganap sa pangunguna ng mga namumuno sa INC.  Bagama’t nakasaad sa mga sulat na ating tinanggap noong tayo’y itiniwalag na diumano ay lumabag tayo sa mga aral na siyang dahilan ng ating pagkakatiwalag, ay wala naman silang binanggit kung anong aral ang ating tuwirang nilabag.  Samakatuwid, ang rebelyon na kanilang ibinibintang ay kanila lamang kinatha upang pagtakpan ang mga katiwalian sa loob ng INC.
Kung magsalita ang may akda ay para bagang tanto niya ang nilalaman ng isip ng pamilya ng Ka Erdy.  Ganito ang kanyang tinuran:
Noon pa man, si Angel at Marc Manalo (at ng kanilang ina na si Ginang Tenny at kapatid na Lottie) ay tahimik na tinututulan ang nalalapit na pag-sampa ng kanilang nakatatandang kapatid sa pinakamataas na tungkulin sa Iglesia.  Nag-aalala sila na ang kanilang kasalukuyang tinatamasang mga pribilehiyo bilang mga pangunahing pamilya ng dating tagapamahalang pangkalahatan ay mabawasan kung di man tuluyang mawala.  Nakita nila kung papaanong ang kanilang ama, ang Kapatid na Erano ay ginawan ng gayun ding hakbang ang kanyang mga kapatid ng siya ay naupo bilang TP.


Pansamantala tayong huminto at magtanong:  
“ Anong katibayan ang pinanghahawakan mo sa pagsasabi nito?”
Himayin natin ang kaniyang mga tinuran.   Ang pinakamaganda sana niyang ginawa ay magpakita ng matibay na batayan bilang patunay sa kanyang mga sinabi.  Sinabi niya na “nalalapit na pag-sampa”na ang ibig sabihin ay hindi pa sumasampa dahil buhay pa ang Ka Erdy.  Kung ganoon, may katibayan kaya itong may akda na ang pamilya ay ipinakita sa Ka Erdy ang kanilang pagtutol sa pagsampa ni EVM sa kapangyarihan?  Natitiyak natin na hindi papayagan ng Ka Erdy ang gayon na sila ay tuwirang makialam sa kanyang mga pagpapasya.  Ang isa pa, ano ang batayan ng may akda sa sinasabi niyang “nalalapit na pagsampa” ni EVM gayong alam nila ang ginawang susog (amendments) ng Ka Erdy sa Incorportion papers ng INC na kailangang magkaroon ng halalan bilang paraan ng paglalagay ng susunod na TP sa sandaling mabakante ang nasabing posisyon.   Hindi maaring ikatwiran na si EVM ay hinalal na noon bilang ikalawang TP sapagkat sa bisa ng susog na ginawa ng Ka Erdy ay pinawalang bisa niya ang kahalalang iyon.
Isa pa, saan kaya kinuha ng may akda ang sinabi niyang “Nag-aalala sila na ang kanilang kasalukuyang tinatamasang mga pribilehiyo bilang mga pangunahing pamilya ng dating tagapamahalang pangkalahatan ay mabawasan kung di man tuluyang mawala.”  Kinausap kaya siya ng pamilya tungkol dito o baka kaya narinig niya sa isang malapit sa pamilya?  Kung wala naman siyang maipakitang katibayan kundi pawang kasinungalingan ay dapat manahimik na lang siya.  Wala rin naman siyang maipakitang katunayan na “Nakita nila kung papaanong ang kanilang ama, ang Kapatid na Erano ay ginawan ng gayun ding hakbang ang kanyang mga kapatid ng siya ay naupo bilang TP.”  May katunayan kaya siya na ginawa nga ng Ka Erdy yon sa kanyang mga kapatid o imbento lang niya ito?


Binanggit pa niya ang tinatawag na “prized entitlements” (na maaring ang katumbas ay premyadong karapatan) at paraan ng pamumuhay na kanilang nakasanayan” pero hindi niya tinukoy kung ano-ano ang mga iyon.  Ang totoo, sa maikling panahon mula ng yumao ang Ka Erdy, ang sanggunian ay parang mga baboy na nakawala sa kural at nagkani-kaniya ng maluluhong pamumuhay.  Halimbawa ay ang pagkakaroon ng hindi lang isang kotseng mamahalin pa na alam nating hindi kailanman nila kayang bilhin mula sa tulong na kanilang tinatanggap.  Saan galing ang perang pinambili?  Ito marahil ang tinutukoy niyang uri ng pamumuhay na ang nagtatamasa ngayon ay sila na namumuno sa INC. Hindi tinamasa ng pamilya ng Ka Erdy ito noong siya ay nabubuhay pa.   Alam din natin kung sino ang nasa likod ng video na pinamagatang Cutting Classes na kanilang inilathala sa facebook upang sirain ang pagkatao ng kapatid na Marc at Angel.  Nangako sila ng maglalabas pa diumano ng matibay na ebidensiya pero dahil nga sa ito’y inimbento lang nila, yung pangakong ebidensiya ay hindi natin nakita dahil wala naman talagang ipakikita.


Narito pa ang isang sinabi niya:
“Bukod dito, natatakot sila na mawala ang ano mang mataas na posisyon na kanilang inaasam – at ipinagpalagay na marapat na pwesto sa pamunuan ng Iglesia dahil sila ay mga apo ng Sugo.  Para sa kanila, hindi mahalaga kung sila man ay may kakayahan sa ganoong tungkulin dahil hindi iyon ang pinaguusapan”


Nagiging kawili-wili na sapagkat kita natin na ang may akda ay hindi lamang nuknukan ng singungaling kundi gusto pang palabasin na alam niya ang iniisip ng Ka Marc at Ka Angel.  Alam niya yung mga alalahanin nila?  Wow, para na siyang Diyos na nakakabasa ng laman ng isip ng tao!  Kaya lang, sa dami ng kanyang mga sinabi ang tanging totoo lamang ay sila’y “apo ng Sugo”.  Binanggit niya ang salitang “qualified” o kwalipikado kaya heto ang maganda.  Ako bilang isa ay masasabi ko ng walang pag-aalinlangan at buong pananalig na ang mga kapatid na Marc at Angel ay hindi talaga qualified o angkop sa ano mang tungkulin  na hawak ngayon ng Sanggunian.  Uulitin ko po, hindi sila qualified.  Bakit, ano ba ang mga kailangan o qualification para mapabilang sa pamunuan ng INC ngayon?


  1. Tiwali (ito ang unang kwalipikasyon na may pangako ng panlupang kayamanan)
  2. Singungaling (kailangang kailangan)
  3. Walang Awa (nagagalak sa pagdurusa at labis na pagpapahirap sa mga kapatid)
  4. May Pusong kayang bastusin ang mga magulang
  5. Mabagsik (kayang pumatay o magpapatay ng tao)
  6. Walang kabusugan sa pagtatamo ng katanyagan (guinnes book of records)
  7. Wala sa kanya ang kahulugan ng pag-ibig
Ang mga kapatid na Marc at Angel ay hindi po kakikitaan ng mga ganitong kwalipikasyon.


Sa mga sumunod na talata ay sinabi niya ang ganito:


“Ang kapatid na Eduardo. . . . . . ay mahabagin sa kanyang ina at mga kapatid”


Para tayong ginagago ng may akda ano po.  Kailan pa matatawag na mahabagin yung itiwalag mo ang iyong ina at mga kapatid ng hindi man lamang dininig ang kanilang panig?  Tanggapin natin pangsumandali na nagkasala nga ang kanyang ina at mga kapatid, ano ba ang itinuro sa atin ng Biblia kung ang isang kapatid at magkasala?  Ganito po ang nakasulat sa aklat ng Mateo, kapitulo 18 talatang 15-17.


15 At kung magkasala laban sa iyo ang kapatid mo, pumaroon ka, at ipakilala mo sa kaniya ang kaniyang kasalanan na ikaw at siyang magisa: kung ikaw ay pakinggan niya, ay nagwagi ka sa iyong kapatid.
16 Datapuwa't kung hindi ka niya pakinggan, ay magsama ka pa ng isa o dalawa, upang sa bibig ng dalawang saksi o tatlo ay mapagtibay ang bawa't salita.
17 At kung ayaw niyang pakinggan sila, ay sabihin mo sa iglesia: at kung ayaw rin niyang pakinggan ang iglesia, ay ipalagay mo siyang tulad sa Gentil at maniningil ng buwis.  


Sinunod kaya nila ang atas na ito ng Panginoong Jesus?  Aba hindi po.   Dapat lang na banggitin natin ngayon na simula ng mawala ang Ka Erdy ay hindi na kinausap ni EVM ang kanyang Ina kaya sa YouTube video ng Ka Angel at Ka Tenny ay madiin nilang hiniling sa kanya na makausap siya subalit hindi niya sila pinagbigyan.  Paanong ang puso ng isang anak ay naging manhid na sa pagdaan ng mga araw, lingo, buwan at taon at natiis na hindi kausapin ang kanyang Ina?
Sabi pa ng may akda (pansinin nyo ito):
“Pagtapos ng lahat ay hindi lang siya panganay na anak ni Ginang Tenny o kuya ng kanyang mga nakababatang kapatid.  Higit pa riyan, siya na ngayon ang Tagapamahalang Pangkalahatan”.
Tanggapin natin pangsumandali alang-alang sa pag-uusap na ito na si EVM nga ang TP at sabihin na rin natin na nagkasala nga ang kanyang ina at mga kapatid, hindi ba’t marangal para sa kanya ang magpatawad dahil siya na nga ay TP?  May turo ba ng biblia sa atin tungkol sa pagpapatawad?  Ganito po ang nakasulat sa talatang 21 at 22 ng gayun ding aklat:
“Nang magkagayo'y lumapit si Pedro at sinabi sa kaniya, Panginoon, makailang magkakasala ang aking kapatid laban sa akin na siya'y aking patatawarin? hanggang sa makapito?
22 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Hindi ko sinasabi sa iyo, Hanggang sa makapito; kundi, Hanggang sa makapitongpung pito.”
Mga kapatid, hindi na po kailangan ang paliwanag tungkol dito.  Sa mga talata ay walang puwang ang kalituhan o maling pagpapaliwanag, napakalinaw po na kung ang kapatid ay magkasala sa atin payo ng Panginoong Jesus na patawarin hindi lang pitong ulit kundi pitumput pitong ulit.
Ano pa po ba ang turo sa atin ng biblia tungkol sa pagpapatawad?  Sa aklat na muli ng Mateo 6:9-12 ganito po ang nakasulat:
Magsidalangin nga kayo ng ganito: Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo. 10 Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa. 11 Ibigay mo sa amin ngayon ang aming kakanin sa araw-araw.  2 At ipatawad mo sa amin ang aming mga utang, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin.
Kung naniniwala si Ka EVM sa kanyang puso na siya ang TP, siya dapat ang unang kakitaan ng pagsunod sa mga salita ng ating Panginoong Jesus.  O baka naman dahil siya na ang pinuno ng Iglesia ay hindi na niya kailangan pang sumunod?  Siya ba ngayon ay “mas banal pa at hindi na nagkakamali tulad ng mga papa ng Roma” kaya hindi na niya kailangn pang humingi ng tawad sa Diyos?
Nahirati na po ang may akda sa kanyang paulit-ulit na bintang sa sambahayan ng Ka Erdy. Kahit saang hukuman ang mga paratang na walang katunayan ay agad na ibabasura ng hukom at tiyak na papagalitan pa ang nag-sakdal.  Sa kanyang patuloy na atake sa magkapatid, sinabi niya ang mga ito:
“imbis na pahalagahan ay sinuklian nila ang “bagong” TP ng pagmamagaling, katigasan ng ulo at kawalang galang.  At ang kanilang ina naman imbis na pagsabihan …….., ay hinikayat pa ang kanyang mga anak na lumaban”
Mga kapatid, para na tayong sirang plaka nito na hingi ng hingi ng ebidensiya sa mga paratang. Kasi po, kailangan sa isang patas na labanan ang katarungan na dapat sana’y ipinakita ng may Akda bago siya nagparatang.  Ipinakita sana niya kung kailan nagmalaki at nagmatigas ng ulo ang magkapatid sa kanilang kuya.  Lahat ng sinasabi ng taong ito ay pawang kasinungalingan lamang sa kagustuhang ibagsak ang magkapatid.
Naglabas pa siya ng larawan ng Ka Tenny na may mga nota diumano na lalong nagpatingkad sa kanyang kawalan ng nalalaman.  Sa isang larawan ay naroon ang salitang “attack” na binigyan niya ng maling pakahulugan na diumano ang magkapatid ay naglalayong salakayin ang Iglesia. Dahil sa siya ay nahihibang na tunay ay tanungin natin kung anong pagsalakay ba ang kanyang iniisip na gagawin ng Ka Marc at Ka Angel.  Tutal naman ay nababasa niya kung ano ang nasa isip ng tao.  Kung sa akala niya ay maglulunsad ng isang madugong pagsalakay, e bakit hindi nangyari?  Kasi nga ay inimbento lang niya yon.  Kahayagan na walang utak ang bao ng kanyang ulo.  Siguro kung iuuntog niya ang kanyang ulo sa pinakamalapit na puno ng niyog ay baka makalog pa at magkalaman.
Sa pagpapatuloy ng black propaganda ay ganito pa ang kanyang sinabi:
“Nag-aasal na parang mga prinsipe noong unang panahon, si Angel at si Marc ay dumarating ng huli sa klase ng mga ministro pero ayaw gumawa ng salaysay kung bakit sila huli.  Ito ay malinaw na tahasang paghamak sa mga tuntunin na ipinatutupad mula pa sa panahon ng Ka Felix Manalo hanggang sa panahon ni EVM.   Ang kanilang pag-ayaw sa disiplinang ipinataw sa kanila ay isang halimbawang binanggit ng kanilang mga kapwa ministro tungkol sa kanilang mala dugong bughaw na maharlikang pagmamataas na ang tuntunin ay hindi aplikable sa kanila kundi doon sa mga nakakababa lamang.”
Ang mga bintang na ito ay sadyang “below the belt” na matatawag sapagkat ang mga anak ng Ka Erdy ay pinanday hindi lang upang maging mga mabubuting tao kundi maging mabubuting Kristiyano.  Sila ay sumailalim sa pagtuturo mismo ng kanilang Ama na kasakasama nila maging sa kanilang tanggapan sa Central.  Wala tayo kailanmang nabalitaan na mga maling inasal nila.  Muli, humihingi tayo ng ebidensiya sa may akda na magpapatunay sa kanyang mga paratang.  Kung hindi ay dapat niyang itikom ang kanyang umaalingasaw na bibig.
Heto pa ang isa:
“At hindi lang yan, sa isang pagpapakita ng kawalan ng katapatan sa ministeryo, ang magkapatid ay tumigil sa pagdalo sa klase ng mga ministro at iniwan na ang kanilang pangunahing tungkulin bilang mga ministro na magturo sa kawan.”
Ang taong ito ay tulad ng isang tabak na may dalawang-talim kung ang pag uusapan ay paggawa ng kasamaan. Habang ang isang kamay ay nagtatanyag ng kasinungalingan ang isa naman ay abala sa pagbaluktot sa katotohanan.  Ang totoo ay si Ka Marc at Ka Angel ay masipag na pumapasok sa mga klase ng ministro. Ito ay hindi lamang isang banal na tungkulin sa Diyos kundi siyang pinagmumulan ng kanilang ikinabubuhay. Ngunit sa pagbubukang-liwayway ng diwa ni Satanas, nang unti-unting pumasok ang katiwalian sa mga pinuno ng INC, ang pamilya ni Ka Erdy ang mga unang biktima. Ang masasamang lider na hindi pa nagkasya sa kapangyarihan na kanilang tinatamasa ngayon ay nangangailangan ng higit pa. Itinuon nila ang kanilang mga pansin sa tulong na tinatanggap ng pamilya Ka Erdy – pangunahin na ang Ka Marc at Ka Angel. Kaya’t sila’y nag-isip ng mga paraan kung paano puputulin ang pagtanggap nila ng kanilang allowance ngunit dapat itong maging makatarungan sa mga mata ng mga kapatid. Anong ginawa nila? Inalisan nila sila ng kanilang suguan.  Nagpatuloy pa rin ang magkapatid sa pagdalo sa klase hanggang sa malaman nila na tuluyan na pala silang tinanggalan ng suguan.  Ito ang simula ng mabagal at masakit na proseso ng isolation sa magkapatid hanggang sa oras na sila, bilang mga tao rin lamang ay tuluyang manghinawa sa uri ng pagtratong tinatanggap nila mula sa sariling kapatid. At kasabay ng pagtanggal sa kanilang suguan ay gayon din ang kanilang buwanang tulong.
Bakit labis na mapait sila pamilya ni Ka Erdy? Dahil ang pamilya ang may hawak sa katotohanan.   Batid nila na si EVM ay hindi halal na TP nang balewalain niya ang mga susog na ginawa ng Ka Erdy sa mga incorporation papers ng Iglesia. Ito ang puno’t dulo, bone of contention ika nga!!! Napakadali para sa pamilya na kilalanin siya bilang bagong lider dahil bukod sa panganay na anak ay isang Manalo muli ang tatayong  lider ng INC. Ngunit mas inibig nilang sundin at gawin ang tama sa paningin ng Diyos.
Ito po mga kapatid ang tunay na larawan! Walang paghihimagsik! Ang paghihimagsik ay isang palabas lamang upang bigyang-katwiran ang kanilang mga kasamaan! Ang Ka Mark at Ka Angel ay hindi namumuno sa isang  grupo, o batalyon man, o isang pulutong, at lalong hindi puno ng isang koponan, atbp. Pinamumunuan lamang nila ang kani-kanilang sariling mga sambahayan. Ang isang armadong pangkat ay isang mahalagang bahagi ng isang paghihimagsik, kailangang mayroong mga rebelde na magsisimulang magrebelde o mag-alsa at sumalakay. Ngunit wala!
Sino ba talaga ang nagsimula ng paghihimagsik sa bayan ng Diyos at anong uring
paghihimagsik ito? Buksan natin muli ang mga pahina ng Biblia para sa espirituwal na
patnubay. Sa aklat ng Awit 64: 2-6 ito ay nasusulat:
                   
        ipagtanggol ako sa mga pakana't lihim na sabwatan,
   niyong mga pangkat na ang binabalak pawang kasamaan.
3 Ang kanilang dila'y katulad ng tabak na napakatalas,
   tulad ng palasong iniaasinta kung sila'y mangusap.
4 Sa kublihan nila, sila'y nag-aabang sa mabuting tao,
   at walang awa nilang tinutudla sa pagdaan nito.
5 Sa gawang masama ay nagsasabwatan, nag-uusap sila,
   kung saan dadalhin ang patibong nilang di dapat makita.
6 At ang sasabihin pagkatapos nilang makapagbalangkas,
   “Ayos na ayos na itong kasamaang ating binabalak.”
Damdamin ng tao at ang isip niya'y mahiwagang ganap!”
Hindi ba’t ang mga nabanggit na mga talata ay akmang akma sa mga ginawang ito ng may akda? Manggagawa ng kasamaan! Inilalarawan ng Biblia ang kanyang mga gawa bilang paghihimagsik, na nagpapalabas ng kanyang dila tulad ng isang tabak, at yumuko ang kanyang mga busog upang tudlain  - mapait na mga salita (akusasyon) yaong mga  walang kamuwangan (pamilya ni Ka Erdy)?
Kaya sino ang mga rebelde? Sino ang nagsagawa ng paghihimagsik kundi ang mga manggagawa ng kasamaan, ang mga pinuno ng katiwalian? Nagrebelde sila laban sa Diyos kapag nilalabag nila ang Kanyang mga turo, nilabag ang Kanyang kalooban at ipinagpalit ang Kanyang Kaluwalhatian sa materyal na mga kayamanan. Ngunit ito ang gagawin ng Diyos sa kanila. Sa gayunding aklat ng Mga Awit:
Subalit ang Diyos na may palaso ri'y di magpapabaya,
   walang abug-abog sila'y tutudlai't susugatang bigla.
8 Dahilan sa sila'y masamang nangungusap, kaya wawasakin,
   at ang makakita sa gayong sinapit sila'y sisisihin;
9 yaong nakakita'y sisidlan ng takot, ipamamalita
   ang gawa ni Yahweh at isasaisip ang kanyang ginawa.
10 Sa gawa ni Yahweh, ang mga matuwid pawang magagalak,
   magpupuri sila at sa piling niya ay mapapanatag.


Ang Kapurihan ay sa Diyos magpakailanman kailanman!

No comments:

Post a Comment